TALIWAS sa mandato ng lehislatura ang ginagawa ng ilang politiko sa Kongreso na sukdulang patulan pati mga testimonya ng mga taong walang kredibilidad sa hangaring bumida sa balita sa telebisyon, radyo hanggang sa mga peryodiko.
Kamakailan lang, lumutang sa isang “investigation in aid of legislation” ang isang tsismosong nagpakawala ng testimonya base lang sa intelligence report na siya mismo ang gumawa.
Sa kanyang testimonya sa Kamara, wala man lang mailabas na matibay na ebidensya ang sinibak na Colonel Eduardo Acierto kaugnay ng isinumiteng ulat sa noo’y Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde at maging sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni former Director General Aaron Aquino.
Aniya, isang tao lang ang drug personality na nagngangalang Allan Lim at negosyanteng Lin Wei Xiong. Pero wala siyang konkretong basehan man lang tulad ng dactyloscopy report tulad ng ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kay former Bamban Mayor Alice Guo.
Sa pagsusuri ng NBI, lumabas na isang tao lang ang alkalde at at ang Chinese national na si Guo Hua Ping.
Lumalabas tuloy na gawa-gawa lang ang paratang ni Acierto na kabilang sa talaan ng mga pulis na dawit diumano sa kalakalan ng droga.
Sa intelligence report na akda ni Acierto, maraming idinawit na tao ang sinibak na koronel. Ang masaklap, parang wala naman naiprisintang impormanteng titindig man lang sa alegasyon ni Acierto.
Kung legalidad din lang ang pag-uusapan, hindi tinatanggap sa husgado ang testimonya ng isang testigo halaw sa usapang barbero. Hindi kataka-takang umalma ang kabiyak ng negosyanteng idinawit sa kalakalan ng droga.
Hamon ni Rose Nono Lin kay Acierto, magsampa ng kaso sa husgado, kasabay ng kahandaang makipagtulungan sa “investigation in aid of legislation” ng quad committee. Ayon kay Nono Lin, nasa Dubai si Lin Wei Xiong para pangasiwaan ang malaking negosyo.
Bagamat mandato ng Kongreso ang magsagawa ng imbestigasyon, hindi hamak na mas mainam na entablado ang husgado kung saan tinitimbang ang bawat salita pagkatapos manumpa na pawang katotohanan lamang ang ibibigay na testimonya.
Pero teka… lumutang din sa pagdinig ng quad comm si former PDEA chief Wilkins Villanueva. Ani Villanueva, mali si Acierto.
Ayon sa dating PDEA chief, magkaibang tao ang druglord na tinutukoy ni Acierto at ang negosyanteng pilit idinidiin ng sinibak na koronel.
Sa ganang akin, simple lang ang pamantayan — sino ba ang mas kapani-paniwala? Ang dating koronel na may bahid ng droga ang reputasyon o si Wilkins Villanueva na higit na kilalang drug buster noong aktibo pa sa serbisyo?
Originally Post on https://journal.com.ph/husgado-ang-mas-matibay-na-entablado/
Ako’y Ready Lumaban
All Rights Reserved @AteRoseLin 2024 | Privacy Policy
Facebook
Facebook
Instagram
Youtube
TikTok