News And Events

Insight

TESTIMONYA NI ACIERTO, KULANG SA KATIBAYAN

November 21, 20242 min read

Sino ang mas kapani-paniwala? Ang isang dating koronel na may bahid ng droga ang reputasyon o si Wilkins Villanueva na higit na kilalang drug buster noong aktibo pa sa serbisyo?

Lumutang kelan lang sa isang “investigation in aid of legislation” ang isang dating koronel na nagpakawala ng testimonya base lang sa intelligence report na siya mismo ang gumawa.

Nang magbigay ng testimonya sa Kamara, wala man lang mailabas na matibay na ebidensya ang sinibak na Colonel Eduardo Acierto kaugnay ng isinumiteng ulat sa noo’y Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde at maging sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni former Director General Aaron Aquino.

Sinabi nito na iisang tao lang ang drug personality na nagngangalang Allan Lim at negosyanteng Lin Wei Xiong, pero wala siyang kongkretong basehan man lang tulad ng dactyloscopy report gaya ng ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kay former Bamban Mayor Alice Guo kung saan sa pgsusuri ng NBI ay lumabas na isang tao lang ang alkalde at at ang Chinese national na si Guo Hua Ping.

Sa nangyari ay lumalabas tuloy na gawa-gawa lang ang paratang ni Acierto na kabilang sa talaan ng mga pulis na dawit diumano sa kalakalan ng droga.

Ayon sa intelligence report na iniakda ni Acierto, maraming idinawit na tao ang sinibak na koronel. Ang masaklap, parang wala naman naiprisintang impormanteng titindig man lang sa alegasyon ni Acierto.

Kapag legalidad din lang ang pag-uusapan, hindi tinatanggap sa husgado ang testimonya ng isang testigo na halaw sa usapang barbero. Kaya naman hindi kataka-takang umalma ang kabiyak ng negosyanteng idinawit sa kalakalan ng droga.

Ang hamon ngayon ni Rose Nono Lin kay Acierto, magsampa ng kaso sa husgado, kasabay ng kahandaang makipagtulungan sa “investigation in aid of legislation” ng quad committee. Ayon pa kay Nono Lin, nasa Dubai si Lin Wei Xiong para pangasiwaan ang malaking negosyo.

Tila taliwas na sa mandato ng lehislatura ang ginagawa ng ilang politiko sa Kongreso na patulan pati mga testimonya ng mga taong walang kredibilidad sa hangaring bumida lamang sa headlines ng mga balita.

Pero teka… lumutang din sa pagdinig ng quad comm si former PDEA chief Wilkins Villanueva at anito, mali si Acierto.

Ayon sa dating PDEA chief, magkaibang tao ang druglord na tinutukoy ni Acierto at ang negosyanteng pilit idinidiin ng sinibak na koronel.

Bagamat mandato ng Kongreso ang magsagawa ng imbestigasyon, hindi hamak na mas mainam na entablado ang husgado kung saan tinitimbang ang bawat salita pagkatapos manumpa na pawang katotohanan lamang ang ibibigay na testimonya.

Posted Originally on https://www.peoplestonightonline.com/news/testimonya-ni-acierto-kulang-sa-katibayan/

Back to Blog